Tinuligsa ng ilang samahan ang naging Talk to the Nation address ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ng ilang araw na hindi nito pagpapakita sa publiko.

Sa naging exclusive joint interview ng Bombo Radyo Dagupan Jhay de Jesus, Spokesperson ng True Colors Coalition, kasama si Jelen Paclarin, Executive Director ng Women’s Legal and Human Rights Bureau at Primo Amparo, Chairperson ng Workers for Peoples Liberation, kanilang ibinahagi ang kanilang mga saloobin at inisa-isang inalmahan ang mga binitiwang pahayag ng Pangulo sa publiko hinggil pa rin sa pakikibaka ng bansa sa COVID-19 pandemic.

Ani de Jesus, bagkus na dinadaan umano ng Pangulo sa pagmumura at pananakot ang kaniyang nasasakupan, mainam aniyang higit na tutukan ang pagpapa-intindi nalang sa kanila kung ano ang kagandahang epekto ng pagpapabakuna sapagkat salat umano sa pang-unawa ang mga kababayan natin hinggil dito dahilan ng kawalan nila ng kumpiyansa sa mga bakuna.

--Ads--

Pinasinungalingan din ni de Jesus ang pahayag ng Pangulo hinggil sa ‘di umano’y pagiging maagap ng pamahalaan sa pagsugpo ng virus sa bansa.

Partikular na aniya sa kabagalang pagsasara ng borders mula sa bansang pinagmulan ng naturang virus.

Binigyang diin nito na ang pandemyang kinakaharap ay hindi lamang umano usapin ng kakayahan at rekurso, bagkus ay usapin ng tama, akma at makataong pagpa-plano ng gobierno.

“Ito ba ay race to the bottom?”

Iyan na lamang ang naging katanungan ni Jelen Paclarin, Executive Director ng Women’s Legal and Human Rights Bureau sa naging bahagi ng joint interview ng Bombo Radyo Dagupan kasama ang samahang True Colors Coalition at Workers for Peoples Liberation.

Tugon ito ni Paclarin hinggil sa naging paghayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi naman umano naiiba ang Pilipinas sa pagkakaroon ng biglaang taas ng naitatalang kaso ng COVID-19 gaya na lamang aniya sa bansang Brazil.

Tanong ni Paclarin sa ganoong pahayag ng Presidente ay kung nais daw ba nitong mapabilang sa Top 10 ng mga bansang may pinakamatataas ng kaso ng nasambit na virus.

Sinasalamin umano nito na hindi talaga nauunawaan ng Pangulo ang epekto ng pagtaas ng COVID-19 cases sa Pilipinas.

Na siyang higit na apektado umano ang health-care system ng bansa, ang mga mamamayan nito kabilang ang frontliners at ang mismong karapatan ng lahat na namuhay ng listas.

Mas mahaba na umano ang kwento sa kung paano tinutugunan ng kasalukuyang administrasyon ang krisis na kinakaharap ng bansa kaysa sa talagang pag-address o pagbibigay solusyon sa problemang hatid ng COVID-19 pandemic.

Iyan naman ang naging opinyon ni Primo Amparo, Chairperson ng Workers for Peoples Liberation.

Sa higit isang taon umanong pakikipaglaban ng sambayanang Pilipino ay ang totoong kailangan ng bansa ay ang malinaw na health program kung papaano ito dapat harapin.

Sa nakikita aniyang dahilan ng biglaang pagsirit ng covid cases ay ang hindi sistematikong quarantine restrictions lalo na sa quaratine facilities, dahilan kung bakit nagiging punuan umano sa mga ospital kaya’t ang iba ay binabawian na lamang ng buhay sa kanilang mga tahanan at hindi na talaga nabigyan ng atensyong medikal mula sa mga pagamutan.

At dahil sa kalabuan ng health programs, apektado aniya ang kabuhayan ng marami dahilan ngayon ng pagsadsad ng ekonomiya ng bansa.