Nagmistulan nang ilog ang ilang sakahan at kabahayan sa bayan ng Bugallon dahil sa baha dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulang nararanasan dahil sa sama ng panahon.
Lumikas na ang ilang residente lalo na sa Barangay Cabayaoasan na isa sa mga barangay na lubhang apektado ng baha dahil sa pag-apaw ng Agno River at iba pang tubig na bumababa sa kanilang lugar.
Ayon kay Rogelio Manuel, isang magsasaka na apektado ang kanyang sakahan dahil mataas na ang tubig dalawang linggo na ang nakakalipas.
Aniya, nalunod na ang mga palayan sa lugar, kabilang ang ilang bagong tanim na palay at mga malapit nang anihin.
Sinabi rin ni Manuel na halos dalawang linggo nang nananatili ang tubig sa kanilang lugar dahil hindi parin tumitigil ang pagbuhos ng ulan.
Saad niya na napasok na din ng tubig baha ang kanilang bahay at nabasa ang kanilang mga higaan.
Napilitan na umano silang lumikas kasama ang iba pang residente sa mga evacuation center.
Dahil patuloy ang pag-ulan at sama ng panahon, hindi pa nila matiyak kung kailan sila ligtas na makababalik sa kanilang mga tahanan.
Samantala, sinabi ni Glenda Marcelino, isang evacuee mula sa Barangay Poblacion, na bagama’t sapat naman ang natatanggap nilang pagkain mula sa mga nagbibigay ng ayuda, kailangan pa rin nila ng mga gamit pangkalinisan at mga kagamitan para sa pagtulog.
Kabilang sa kanilang pangunahing pangangailangan ang sabon, shampoo, toothpaste, underwear, higaan at iba pa.
Ayon sa kanya, hindi pa sila makauwi dahil mataas pa rin ang tubig sa kanilang mga bahay kung saan pangatlong araw na nila ngayon sa evacuation center.
Panawagan ng mga evacuee ang karagdagang suporta para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan habang nananatili sila sa evacuation centers.
Umaasa rin silang makatatanggap ng pagkain at iba pang ayuda na maaari nilang maiuwi kapag panahon na upang bumalik sa kanilang mga tahanan.
Sa kabilang banda, nananatiling alerto ang MDRRMO Bugallon sa pamumuno ni Maam Lea Navato lalo na sa posibleng tulong na kanilang ibibigay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng rescue operations kapag lumala ang sitwasyon.
Nakaantabay ang kanilang pwersa pati na ang mga kinakailangan kagamitan para sa mabilisang responde.










