Patuloy ang monitoring ng pamunuan ng Barangay Longos sa Dagupan City matapos tumaas sa kritikal na antas ang tubig sa ilang bahagi ng lugar. Ilang residente na rin ang inilikas dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig, habang patuloy na minamatyagan ang sitwasyon sa mga mabababang sitio.

Ayon kay Barangay Captain Joseph Uson, nasa 25 pamilya o mahigit 80 indibidwal ang naapektuhan ng pagtaas ng tubig. Kritikal na rin umano ang lebel ng Marusay River na nagdudulot ng pag-apaw at pagtaas ng tubig sa ilang bahagi ng barangay.

Hindi na rin umano madaanan ng karaniwang mga sasakyan ang ilang bahagi ng kalsada dahil sa taas ng tubig. Tractor na lamang ang pansamantalang ginagamit na paraan ng transportasyon sa mga lugar na mahirap nang daanan. Sinabi rin ng pamunuan na naging maayos ang paglikas dahil maaga namang nakapaghanda ang mga residente.

--Ads--

Hinimok naman ang mga residente na agad ipagbigay-alam sa barangay ang kanilang mga pangangailangan, lalo na kung kinakailangan ng karagdagang tulong o paglikas. Pinapayuhan din ang mga residente na patuloy na mag-ingat at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad upang maiwasan ang anumang insidente habang minomonitor ang pagtaas ng tubig.