Ilang poultry growers sa Pangasinan ang napilitang mag-culling ng mga alagang manok kasabay ng matinding pagsubok na kinakaharap ng poultry industry sa bansa dahil sa labis na supply ng manok at tuloy-tuloy na pagbaba ng presyo ng itlog.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jayson Cainglet, Executive Director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), isa sa malinaw na epekto ng oversupply ay ang nangyaring pagpatay o “culling” sa mahigit 5,000 manok sa Dagupan City dahil sa sobrang dami ng suplay sa merkado.
Ayon kay Cainglet, hindi ito ordinaryong sitwasyon at may malaking kaugnayan ito sa dami ng imported na breeding stocks na ipinasok sa bansa noong nakaraang taon.
Ipinaliwanag niya na ang tinutukoy na “grandparents” ay mga imported breeding stocks na pinagmumulan ng mga layer chicken o mga manok na ginagamit sa produksyon ng itlog.
Aniya, hindi pa rin sapat ang lokal na breeding capability ng bansa kaya nananatiling imported ang mga ito.
Ayon pa sa opisyal ng SINAG, masyadong maraming breeding stocks ang ipinasok noong nakaraang taon dahil sa pangamba noon na maaaring magkaroon ng kakulangan sa supply ng itlog at manok.
Dahil sa labis na pag-aangkat, sinabi niyang nagkaroon ngayon ng sobra-sobrang produksyon na nagdulot ng pagbagsak ng farmgate prices ng itlog at manok, bagay na labis na nakaapekto sa kita ng mga poultry growers.









