Maging ang ilang mga Pinoy sa America ay nahahati narin dahil sa nagpapatuloy na impeachement hearing laban kay dating US Pres. Donald Trump.
Ito ang ibinahagi ni Bombo International Correspondent Joey Omila, Director of Cultural Affairs of the Philippine Cultural Foundation, Inc., sa Tampa, Florida USA sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan.
Matatandaan na nitong umaga, oras sa Pilipinas ay sinimulan ang ikalawang impeachment trial ni Trump kung saan nagkasundo ang mas nakararaming US Senator sa botong 56-44 na naayon sa konstitusyon ang impeachment trial ni Trump.
Nabatid na sa 56 na pabor na boto, mayroong anim na Republican senators na kaalyado ni Trump ang sumama sa Democrats na nagsabing alinsunod sa kanilang konstitusyon ang nasabing impeachment trial.
Ayon kay Omila, nakakalungkot at napakapangit ng nangyayari ngayon sa Estados Unidos, dahil nagbunsod ng pagkakahati-hati ng mga tao doon kabilang na ang ilang Pinoy dahil lamang sa isyu ng pulitika.
Samantala, binigyang diin naman ni Omila, na naaayon naman sa kanilang konstitusyon ang ginagawang pagdinig laban kay Trump dahil ito ay pagpapatuloy nalamang matapos ang unang i mpeachment nito habang ito ay nakaupo pa sa puwesto lalo at layon nitong papanagutin si Trump sa nagawang krimen.
Magugunitang nagbunsod ang impeachment trial kay Trump matapos umano na siya pa mismo ang nag-udyok sa mga supporters nito na guluhin ang Capitol noong Enero 6 sa kasagsagan ng pagpapatibay ng panalo ni Biden kung saan lima ang nasawi kabilang na ang isang pulis.