DAGUPAN CITY- Ilang araw na ang nakakalipas matapos tuluyan lisanin ng bagyo ang bansa subalit, hindi pa rin nagagamit ang ilang paaralan dahil nagsisilbi pa rin itong evacuation para sa mga naapektuhan o nasalanta.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vladimer Quetua, Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines, kinakailangan na ng alternatibo o magtayo ng evacuation centers ang gobyerno dahil sa ngayon, nauudlot nito ang pag-aaral ng mga estudyante.
Gayunpaman, hindi pa umano apektado ang target ideal school days sa bansa kaya kaniyang hinihimok ang gobyerno na pagtuonan pa ng agarang pansin ang pagbibigay tulong sa mga apektadong pamilya.
Hindi naman sang-ayon si Quetua na gamitin nang pangmatagalan ang Blended Learning dahil hindi naman nito nakakamit ang kalidad na edukasyon.
Kaya aniya, dapat itulak ng gobyerno ang paglaan ng mga proyekto na makakatulong sa mga apektadong pamilya tuwing may bagyo habang nagpapatuloy ang pag-aaral ng mga kabataan.
Sa kabilang dako, panawagan pa rin ng ACT Philippines na maparusahan ang mga dapat managot sa katiwaliang umiral sa Senior High School Voucher Program.
Hindi aniya sapat na naibalik lamang ang mga ibinulsang budget ng programa dahil hanggat walang napaparusahan ay magpapatuloy at hindi matutuldukan ang kurapsyon.
Nakikita naman niya na ang pagkakaugnay sa mga kapitalista ang dahilan na nagkaroon ng kurapsyon sa nasabing programa.
Kaya kanilang panawagan, lalo na sa mga pribadong paaralan, na maging ‘transparent’ sa programa at mabigyan ng nararapat na sahod ang mga kaguruan.