DAGUPAN CITY — Nakakadismaya.
Ganito isinalarawan ni Ronnie Ringor, isang Onion Grower sa bayan ng Bayambang, ang planong pag-angkat ng pamahalaan ng sibuyas sa ibang bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na ang mangyayari ay babagsak na naman ang presyo ng mga sibuyas pagdating ng mga aangkating produkto dahil papalapit na rin ang anihan ng mga magsasaka na sila namang mawawalan ng kita.
Aniya na sa halip na umangkla ang pamahalaan sa kalakarang ito ay mas mainam kung ire-regulate na lamang ng mga kinauukulan ang presyo ng sibuyas sa mga pamilihan at panatilihing i-check ang cold storage facilities upang hindi rin nakasasama sa mga mamimili ang sobrang taas ng presyuhan ng nasabing produkto.
Saad nito na ang aanihing sibuyas ng mga onion farmers ngayon ay sasapat lalo na’t mayroon pang mga nakaimbak na inilalabas pa lamang mula sa mga cold storage facilities, kaya naman mahalaga na mamonitor ng mga kinauukulang ahensya ang bentahan nito sa merkado upang maiwasan ang muling pagtaas ng presyo nito gaya nang nangyari noong nakaraang taon.
Dagdag pa nito na ang pinakamataas na farm gate price ng sibuyas noong nakaraang taon ay nasa P450, at kung ito ay aabot sa mga palengke sa presyong P700 ay masyado ng mataas ang patong ng mga retailers. Subalit kung magkakaroon naman aniya ng kamay ang pamahalaan sa naturang usapin ay maaari pa itong magawan ng paraan upang hindi tumaas ng masyado ang presyuhan ng produkto.