Dagupan City – Nalubog sa baha ang ilang nitso sa isang pampublikong sementeryo sa Lungsod ng Dagupan matapos ang magkakasunod na araw ng malalakas na pag-ulan dulot ng habagat.
Kita ang ilang bahagi ng sementeryo na halos hindi na matunton dahil sa taas ng tubig. Ang ilan sa mga nitso, halos lumubog na at tinabunan ng baha. Nagdulot ito ng pangamba sa mga pamilya ng mga namayapa, lalo’t may ilang puntod na may mga bitak na.
Patuloy ang monitoring sa mga apektadong lugar. Pinaigting na rin ang clearing operations ng mga maintenance para mapabilis ang paghupa ng baha.
Dagdag nila, kasalukuyan na ring inaalam kung may mga nitso na kailangan ilipat bilang bahagi ng preventive measures sa posibleng lumalang sitwasyon.
Hindi ito ang unang pagkakataon na binaha ang nasabing sementeryo.
Dahil sa mababang elevation, madaling lumubog sa tubig ang sementeryo kapag umuulan nang tuloy-tuloy.
Pinayuhan naman ang mga residente na umiwas muna sa lugar habang hindi pa humuhupa ang tubig.
Patuloy ring pinaalalahanan ang publiko na maging alerto, lalo na’t inaasahan pang magpapatuloy ang mga pag-ulan sa mga susunod na araw.