DAGUPAN CITY–Mayroon ng person of interest ang mga imbestigador sa tangkang pagpatay kay dating Pangasinan Governor Amado Espino Jr sa lungsod ng San Carlos Pangasinan.

Ito ang kinumpirma ni PNP Regional Director, Police Brigadier General Joel Sabio Orduña.

Ayon kay Orduña, hindi muna isiniwalat ang mga sinasabing person of interest dahil magsasagawa muna sila ng beripikasyon.

--Ads--

Sa ngayon ay sinisilip nila lahat ng anggulo para sa agarang ikareresolba ng kaso.

Kabilang dito ang business rivalry, pulitika, personal na away at marami pang iba.

Samantala, pina-summon na ang mga may-ari ng mga narekober na sasakyan na umanoy ginamit ng mga suspek.

Napag-alaman na ilang beses pinalitan ang conduction sticker ng mga sasakyan kaya hindi lang dadalawa kundi higit pa ang lumitaw na mga pangalan ng mga may-ari.

Unang tinukoy ng kapulisan na ang narekober na Hyundai Elantra ay nakarehistro kay Marivic Villanueva samantalang ang Ford Everest naman ay nakapangalan sa isang John Paul Regalado.

Sa loob umano ng Elantra, nakuha ang dalawang m16 baby armalite, dalawang m16 standard armalite, limang short magazine ng m16, apat na short magazine, long magazine ng m16 at 34 live ammunitions ng m16, samantalang nakakuha rin ang mga otoridad sa loob ng Ford Everest ng isang fragmentation hand grenade, dalawang m14 rifle, apat na magazine ng m14, m16 rifle, baby armalite at tatlong magazine assembly ng m16 rifle.