Nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang miyembro ng U.S. Congress at Senado dahil hindi umano humingi ng pahintulot ang administrasyong Trump bago isinagawa ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip ni Venezuelan President Nicolás Maduro.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos isinagawa sa ilalim ng operasyong tinawag na “Operation Absolute Solution” ang nasabing operasyon.

Ayon sa mga opisyal ng administrasyong Trump, naging matagumpay at maayos ang pagpapatupad ng operasyon.

--Ads--

Maraming pandaigdigang lider ang nagpahayag ng suporta sa pagkakaaresto kay Maduro, na itinuturing nilang mahalagang hakbang laban sa umano’y malawakang drug trafficking na kinasasangkutan nito.

Sa kabila nito, iginiit ng mga opisyal ng Trump administration na ang hakbang ay ginawa para sa kapakinabangan ng Venezuela at para sa proteksiyon ng mga mamamayang Amerikano.

Nilinaw rin ng mga awtoridad na ang langis ng Venezuela ay gagamitin upang paglingkuran ang bansa at hindi aagawin o kokontrolin ng Estados Unidos.

Mariin nilang itinanggi ang mga kumakalat na balita na ang operasyon ay isinagawa dahil lamang sa interes sa langis.

Sa kasalukuyan, hindi pa malinaw kung ano ang magiging susunod na hakbang sa kaso.

Kung saan ang susunod na pagdinig ay itinakda sa Marso, at napag-alamang kumuha si Maduro ng isang batikang abogado upang ipagtanggol ang kanyang sarili.

Marami ang nag-aabang kung paano hahantong ang kasong ito na may napakaraming paratang laban sa kanya.