DAGUPAN CITY- Marami ang dumagsa sa Tondaligan Beach, dito sa lungsod ng Dagupan upang ipagdiwang ang kapaskuhan kahapon.
Ayon kay Rebecca Siobal, isang beach goer mula sa syudad ng Caloocan, hindi ito ang kanilang unang pagkakataon na bumisita sa Tondaligan Beach dahil tubong Pangasinan ang kaniyang asawa.
Aniya, kanilang napagdesisyunan na ipagdiwang ang araw ng kapaskuhan sa beach dahil sa kagustuhan ng kanilang mga anak.
Taon-taon na rin nila itong ginagawa at aniya, labis nilang nagugustuhan ang environment sa probinsiya.
Gayunpaman, hindi na nila piniling magrenta pa ng cottage dahil sa mataas na presyo nito na umaabot ng P2,000.
Ayon naman kay Franco Abalos, Beach goer na mula Nueva Ecija, pinasyal din nila ang kanilang mga bata ngayon kapaskuhan sa nasabing beach.
Aniya, pinili na lamang din nila na manatili sa isang tent dahil namamahalan sila sa presyo ng cottage.
Para sa kanila, mas mainam na mailaan na lang ito sa kanilang makakain.