Dagupan City – Nakakuha ng tig-P5,000 fuel subsidy mula sa pamahalaan ang karamihan sa mga tradisyunal na jeepney driver at operator sa Pangasinan, ngunit may ilan pa ring hindi nakatanggap ng ayuda, ayon sa mga transport group.

Ito ay para tulungan ang sektor ng transportasyon na makayanan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, na posibleng madagdagan pa dahil sa umiigting na tensyon sa Middle East.

Ayon sa One Pangasinan Transport Federation, may mahigit 100 driver at operator sa mga bayan ng Calasiao at Dagupan ang hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ng kanilang fuel subsidy.

--Ads--

Para naman sa mga driver, malaking tulong ang fuel aid lalo na sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa krudo at sa kanilang kabuhayan dahil direktang nababawasan nito ang kanilang gastos sa biyahe.

Samantala, hinihintay pa rin ng Alliance of Modernized Transport sa Region 1 ang paglalabas ng fuel subsidy para sa kanilang mga miyembro.

Pinayuhan naman ng LTFRB ang mga kwalipikadong benepisyaryo na may nawawala, expired, at hindi aktibong card na magtungo sa Land Bank of the Philippines upang magpa-validate at magpaayos o magpalit ng card.