DAGUPAN CITY — Mariing na inirereklamo ng ilang mga residente ng Brgy. San Miguel sa bayan ng Calasiao, Pangasinan ang masangsang na amoy na nanggagaling sa mga itinatapon na mga basura malapit sa mga kabahayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Orgi Sindania, isa sa mga residente ng nasabing lugar, sinabi nito na matagal na nilang inirereklamo ang problemang ito dahil na rin sa masamang epekto sa kalusugan ng mga nakatira sa lugar at gayon na rin sa disgrasya na maaari pang idulot nito.

--Ads--

Inilapit na rin nila aniya ang problemang ito sa mga kinauukulan subalit nananatili pa rin silang walang nakikitang pagbabago sa naturang sitwasyon sa kanilang lugar dahil palagi umanong may nagsusunog at nagtatambak pa ng kanilang mga basura malapit sa kabahayan.

Saad pa ni Sindania na nais nilang maaksyunan ang problemang ito kaugnay na rin ng naipaulat na nasunog na apat na kabahayan dahil umano sa nakacharge na cellphone ngunit ang paniniwala ng mga residente ng Brgy. San Miguel ay dahil umano sa pagsunog ng basura kaya naman muling nangangamba ang mga ito na baka maulit pa ang insidente.

Sa kaugnay naman na panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Brgy. Kgwd. Jessie Muñoz, ang siya ring tumatayo bilang Waste Management Committee, siniguro naman nito na katuwang sila ng mga residente sa pagresolba sa kasalukuyan nilang problema.

Sinabi rin nito na nakatakda naman nang hakutin ang lahat ng basura sa lugar ngayong araw, kung saan ay isasara nila ito at lalagyan ng harang at makikipag-ugnayan na rin sa ilang mga kawani na makaktulong nila sa isasagawang operasyon.

Kaugnay nito ay pinaalalahan naman ni Brgy. Kgwd Muñoz ang publiko na isegregate nang maayos ang mga basura at huwag hayaang nakakakalat ang mga ito.