DAGUPAN CITY- Dumagsa ang ilang mga residente sa Barangay Hall ng Bonuan Binloc dahil sa alok na libreng charging station dahil kasalukuyan paring walang kuryente ang ilang Sitio.

Ayon kay Raymart Mejia na wala parin silang kuryente sa Sitio China kaya nagpunta ito sa Barangay Hall para makapagcharge ng kanyang cellphone at laptop upang makapag-update sa kanyang paaralan at pamilya.

Pangatlong araw na din umano na walang kuryente at pahirapan din ang signal dahil sa epekto ni Supertyphoon Uwan kaya kahapon umano ay napilitan silang magcharge sa isang convenient store malapit sa kanila.

--Ads--

Pagbabahagi naman ni Wilmer Castañares, Barangay Capt. ng nasabing lugar, na bukas ang kanilang Barangay upang makapagcharge ang kanilang mga residente hanggang hindi pa naibabalik ang kuryente kung saan kahapon pa ng gabi nagkaroon ng kuryente sa malapit sa kalsada ngunit sa looban ng Barangay ay wala pa.

Nagsasagawa pa aniya ng clearing at restoration ang Dagupan City Electric Cooperative o DECORP para maibalik ang suplay ng kuryente sa lugar dahil sa mga natumbang poste at puno sa ilang sitio sa lakas na dulot ng Supertyphoon Uwan sa nakalipas na araw.

Ibinahagi naman nito na nakauwi na ang mga lumikas sa kasagsagan ng bagyo kaninang madaling araw kung saan umabot sila sa mahigit 600 pamilya o nasa mahigit 2 libong indibidwal .

Aniya na naging pahirapan ang pagdaan ng Bagyo sa lungsod dahil may mga sitio silang nalubog sa tubig sa taas ng storm surge at lakas ng ulan maging ang mga nasirang mga bahay.

Saad niya na patuloy ang kanilang pagtutok sa pangangalap ng mga datos na naapektuhan ng kalamidad upang mahatiran ng kinakailangang tulong.

Nagpaabot naman na aniya ang LGU Dagupan ng tulong para sa pagkain lalo na sa mga evacuees noong bago manalasa ang Bagyo.

Sa kabilang banda, abala naman si Vangie Jovellanos na residente sa Sitio Korea sa pamumulot ng mga naianod na mga puno upang gawing panggatong.

Ganito aniya ang kanilang sitwasyon pagkatapos ng kalamidad ngunit saad niya na kahit pa man mayroon silang panggatong ay wala din umano maisaing.

Dahil dito, panawagan niya na sana ay maabutan sila ng tulong lalo na sa pagkain dahil isa sila sa naapektuhan ng bagyo lalo na’t nasira ang kanyang tahanan at wala din umano itong mapagkakakitaan.