DAGUPAN CITY- Nakapagtala ang Kontra Daya ng ilang mga aberya na nakaapekto sa pag-usad ng kakatapos na halalan noong May 12.
Ayon kay Danilo Arao, ang convenor ng Kontra Daya, nagkaroon ng delay sa pagbubukas ng ilang polling precincts lalo na sa isang bayan sa Maguindanao del Norte na umabot ng limang oras.
Kinailangan mag-extend ang voting hours sa nasabing lugar dahil mahigit 80,000 ang bilang ng mga botante na nakarehistro doon.
Bukod pa riyan, nagka-issue din ang Automated Counting Machine (ACM) sa pagbabasa ng mga naka-shade sa balota.
Kanilang pinaalala na lamang sa mga botante na ingatan ang pag-shade upang hindi ito mabasa bilang over-voting.
Kinailangan din linisan ang sensor ng ACM dahil sa pagiging sensitibo nito, konting alikabok lamang ay nagkakaproblema na ito sa pagbabasa ng balota.
Nakatanggap din sila ng reklamo na maling mga pangalan ang naimprentabf resibo ng balota ng mga botante.
Ayon pa kay Arao, nagpahirap pa sa mga botante ang mahabang pila na sumasabay sa init ng panahon.
Habang napupunta naman sa matataas na palapag ang presinto ng mga senior citizen, bagay na mahirap akyatin para sa kanilang edad.
Dagdag pa riyan at higit sa lahat, umiral pa rin ang vote buying sa araw ng halalan.