May ilang nakikitang mga hindi umano magandang dulot ang ilang mga inihayag na mga plano ni US President Joe Biden sa natapos nitong talumpati sa joint session ng US Congress kahapon.
Ayon kay Bombo International Correspondent Estela Fullerton mula sa Montana USA, bagaman maganda umano ang mga inihayag na plano ng naturang pangulo sa kanyang talumpati ngunit may ilang mga itinuturing umano na “disadvantage” ang ilan sa kanyang mga iniimplementa at gagawin pa lamang na mga polisiya.
Isa sa kanyang nabanggit ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga mag-aaral at bawat anak sa amerika, health assistance para sa lahat ng mga mamamayan, at pagbibigay ng cash assistance sa mga illegal immigrants partikular sa Mexico lalo na’t wala naman umano nakakatiyak kung sila ay hindi natamaan ng COVID-19, at maging ng pagkakaroon nila ng ilan pang mga criminal records sa kanilang bansa o maging sa Amerika.
Saad ni Fullerton, dahil sa malaki ang kinakailangang ilalabas na pondo ng pamahalaan para sa expenses para sa mga programang nabanggit ay magdudulot umano ito ng impact sa mga tao na nagbibigay ng tax para sa gobyerno.