DAGUPAN CITY — Aabot sa 548 dengue cases ang naitala sa lalawigan ng Pangasinan mula buwan ng Enero hanggang noong Hunyo 03, 2024, kumpara sa naitalang 511 na kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Mula sa kasalukuyang datos, ay mayroon ng limang indibidwal ang mga nasawi mula sa dengue.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dra. Ana Ma. Teresa De Guzman, Provincial Health Officer ng lalawigan ng Pangasinan, sinabi nito na pinangangambahan nila ang pagtaas sa 7% ng mga dengue cases sa lalawigan lalo na’t papasok pa lamang ang panahon ng tag-ulan.
Pagdating naman aniya sa water-born diseases ay binabantayan nila ang mga kaso ng gastroenteritis at diarrhea kung saan mayroon ng 3,907 na kaso na ang kanilang naitala mula Enero hanggang Hunyo 03 ngayong taon kung saan nasa 8 katao na ang nasawi.
10% naman itong mas mataas kumpara sa naitalang 3,537 na kaso noong nakaraang taon, ngunit mas mababa naman ang datos ng pagkasawi kumpara sa 14 na mortality rate noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Maliban sa mga ito ay binabantayan din nila ang sakit na Typhoid Fever na may kaugnayan din sa water-born diseases kung saan may 26 na silang mga kasong naitala sa kahalintulad na panahon na mas mababa naman ng 65% sa naitalang 74 na kaso noong nakaraang taon.
Mas mababa rin aniya ang kaso ng leptospirosis ngayong taon na may 2, kumpara sa 8 na kaso at 3 pagkasawi noong nakaraang taon.