Aminado ang ilang mga Overseas Filipino Workers o mga OFWs na hindi na nila nararamdaman ang ‘excitement’ para sa Overseas Absentee Voting o OAV ng midterm elections sa Pilipinas.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Haris King Castillo tubong Binmaley, Pangasinan ngunit kasalukuyang naninirahan sa Israel, sinabi nito na tila hindi na umano binibigyang pansin at hindi na rin aktibong nakikilahok sa usaping pampulitika ang mga OFW.

Aniya, hirap na umanong maramdaman sa mga ito ang mainit na pag aabang na makaboto at makapili ng lider na iluloklok sa pwesto lalo na’t may mga ilang salik na nakakaapekto dito.

--Ads--

Nangunguna na umano dito ang kawalan ng sapat na oras, pagod sa byahe at ang hindi maiwanang trabaho.

Sa ilalim ng overseas absentee voting, ang mga overseas Filipino workers ay may karapatang pumili ng 12 senador at party-list representatives sa darating na midterm elections.

Magsisimula ang OAV sa Abril 13 hanggang Mayo 13.

Ang OAV ay nilikha ng Kongreso upang sundin ang itinatakda sa Saligang Batas na hindi dapat pagkaitan ng karapatan ang bawat kuwalipikadong Filipino na pumili ng lider – saan man dako siya ng mundo nandoon. with reports from Bombo Lyme Perez