Takot na takot at gusto ng makauwi pabalik ng Pilipinas ang ilan sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa kabila ng tumitinding tensyon dulot ng walang patid na mga pag-atake ng missiles at drones ng Iran patungong Israel.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Shay Kabayan – Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa halos hindi na sila makatulog dahil sa pangambang dulot ng mga pag-atake.

Aniya na mas malalakas ang pinapakawalan na ballistic missiles ng Iran kung ikukumpara sa mga nagdaang pag-atake.

--Ads--

Malalakas ang nagiging epekto nito lalo na sa mga gusali maging kahit nasa loob na ng bomb shelter ay ramdam parin ang impact.

Kaugnay nito kapag may alarm na silang natatanggap, ay may tatlo hanggang limang minuto na lamang sila upang makapagtago sa bomb shelters bago dumating ang mga missiles o drones.

Dahil dito, patuloy ang paalala ng Israel Defense Forces (IDF) na manatiling alerto at sumunod sa mga panuntunan upang mapanatiling ligtas sa panganib.

Bagama’t malaking tulong ang mga teknolohiyang gaya ng Iron Dome na siyang pumipigil sa mga missile strikes ngunit hindi 100% ng missiles ay nasasalo nito.

Sa kabila nito, bagaman ay sapat pa rin ang suplay ng kanilang pangunahing pangangailangan ngunit ang pangamba sa mga susunod na mangyayari ay hindi parin nila sigurado.