DAGUPAN CITY- Apektado ng cecid fly ang ilang mango growers sa lalawigan ng Pangasinan. Kabilang sa mga bayang naiulat na may pinsala sa mga bunga ng mangga ang mga bayan ng Bugallon, Laoac, Mapandan, Mangaldan at San Jacinto, kung saan may mga magsasakang nagsasabing kalahati na lamang ng inaasahang ani ang maaari nilang mapitas.
Isa sa mga bayang kabilang sa binabantayan ang San Jacinto.
Gayunman, ayon sa kay Brgy. Kgawad Sosimo Gonzalez, Presidente ng Farmers association sa Barangay Casibong, wala pa silang natatanggap na opisyal na ulat ng kumpirmadong kaso ng cecid fly sa kanilang lugar.
Batay sa kanyang pahayag, unang nakaranas ng problema ang ilang mango growers sa bayan noong buwan ng Disyembre, kasunod ng mga nagdaang bagyo. Hindi pa rin malinaw kung ang cecid fly nga ang dahilan ng pinsala.
Bukas naman umano ang tanggapan ng barangay para sa mga reklamo at ulat mula sa mga magsasaka upang agad itong maiparating sa kinauukulan at maagapan kung sakaling may makumpirmang kaso.
Sa ngayon, may ilang mango growers sa San Jacinto ang pansamantalang hindi muna nagpabunga at umaasa na lamang sa natural o boluntaryong pagbubunga ng kanilang mga puno habang patuloy ang pagbabantay at pagmomonitor sa sitwasyon.










