DAGUPAN CITY- Hindi lamang produksyon ng isda ang nabawasan dulot ng krisis sa langis kundi maging ang mga lokal na mangingisda.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Roberto Ballon, chairperson ng Katipunan ng mga artisanong mangingisda sa Pilipinas, naghanap na lamang ng ibang pagkakakitaan ang ilang mga mangingisda.
Aniya, umiiwas na rin ang mga naka-bangka de motor na pumalaot sa malalayong bahagi ng karagatan dahil sa hindi rin tiyak na makakahuli nang marami, bagkus, lumapit na lamang ang iba.
Makakatulong man ng pagtaas sa presyo ng kanilang huling isda subalit wala pang inilalabas na opisyal na kautusan.
Hindi rin naman umano nila gaano nararamdaman ang sabsidiya na ibinibigay ng gobyerno at sa susunod na linggo pa muli magpapamahagi.
Saad pa niya, hindi rin sapat ang P3,000 fuel subsidy na natanggap ng mga piling mangingisda kaya may ilan na hindi na lamang ito ipamimili ng petrolyo kundi ilalaan na lang para sa pamilya.
Gayunpaman, maituturing man na bond-aid solution lamang ang pamamahagi ng sabsidiya subalit, malaking bagay pa rin ito para sa kanilang pamilya.









