DAGUPAN CITY- Naglabas ng kaniya-kaniyang opinyon ang mga kabataan sa lalawigan ng Pangasinan kaugnay sa kamakalailang pag-viral ang isang contestant ng Beauty Pageant sa isang Noontime TV Show, dahil sa nagbigay ito ng nakakagulat na sagot tungkol sa Commission on Elections (Comelec).
Nang tanungin siya kung ano ang mensahe niya sa Comelec, inamin ng dalaga, na wala siyang kaalaman tungkol dito at hindi pa siya bumoboto sa kahit anong eleksyon. Ang insidenteng ito ay agad na naging usap-usapan sa social media, at hindi nakaligtas sa reaksyon ng mga netizens, lalo na ng mga kabataan.
Para kay Joshua Eric Limon mula sa bayan ng Rosales, nakakabahala ang sa nasabing viral video, lalo na’t ang sangkot dito ay isang kabataan na nasa edad na dapat may sapat nang kaalaman tungkol sa COMELEC.
Nakakatakot din aniya kung may mga katulad siya na walang ideya tungkol sa ahensyang ito. Ayon kay Limon, nagpapakita ito ng pangangailangan para sa mas malawak na pag-aaral at mga hakbang mula sa COMELEC upang maiparating sa mga kabataan ang kahalagahan ng ahensyang ito. Mahalaga umanong makibahagi ang mga kabataan sa halalan, dahil ito lang ang pagkakataon upang pumili ng mga tamang tao na mamumuno sa tamang posisyon.
Ayon naman kay Angel Bautista mula sa bayan Binmaley, aniya mahalaga ring maisama ito sa mga silid-aralan, at mainam kung habang bata pa ay mayroon nang kaalaman ang mga kabataan tungkol dito.
Pagdating sa reaksyon niya patungkol sa pag-imbita ng COMELEC sa dalaga, sinabi niyang hindi lang siya ang dapat bigyan ng pansin, kundi pati na rin ang lahat ng kabataang boboto.
Panawagan niya sa mga humuhusga sa dalaga na sa halip na magbintang, mas mabuting tulungan na lamang ang mga katulad nito na mapalawak ang kanilang kaalaman. Ang pagkakaalam niya sa COMELEC ay may layuning panatilihing payapa at walang daya ang eleksyon.
Samantala, sa naging pahayag naman ni John Mark Chico mula sa syudad Urdaneta, sa kanyang pagkakaintindi bilang isang estudyante o kabataan, ang COMELEC ay ang ahensya na nangangasiwa upang matiyak ang malinis at maayos na halalan. Una niyang narinig ang tungkol sa COMELEC nang magrehistro siya bilang botante ng Sangguniang Kabataan.
Dito niya nakuha ang mga pangunahing impormasyon, lalo na tungkol sa politika. Upang mapalawak pa ang kanyang kaalaman, ginamit niya ang social media bilang isang paraan upang matuto at makapanood ng mga impormasyon na may kinalaman sa gobyerno at halalan.
Sinangayunan naman ito ni Princess Joy Garcia mula sa bayan ng Villasis, mahalaga ang gampanin ng social media dahil ito ay isang malaking plataporma para sa pagpapalawak ng kaalaman ng mga kabataan.
Ayon sa kanya, maaaring ituring ito ng ilan bilang isang komplikadong bagay, ngunit nananatili itong makabuluhan at may malaking epekto sa lipunan.
Sa pamamagitan ng social media, mas madaling maabot ng mga kabataan ang mga impormasyon tungkol sa politika at iba pang mahahalagang isyu, na nakatutulong sa kanilang pagpapalawak ng pananaw at kaalaman.
Nagpapakita lamang ito ng pangangailangan para sa mas malalim na edukasyon at pag-unawa tungkol sa mga mahahalagang ahensya tulad ng COMELEC, at kung paano nakatutulong ang social media at edukasyon sa pagpapalawak ng kaalaman ng mga kabataan sa mga isyung pampulitika.