DAGUPAN CITY- Patuloy pa ring binabantayan ng Department of Health (DOH) Region 1 ang ilang mga Health Related Incidents at banta ng tag-init na maaaring maitala dito mga susunod na mga linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV Center for Health Development (CHD) Region 1, patuloy ang kanilang opisina sa pagbabantay sa buong rehiyon upang makita ang mga dapat bigyan ng prayoridad.
Aniya, may naitala ring kaso ng jellyfish stings, kaya pinaalalahanan ng DOH ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) na magpatupad ng mga patakaran gaya ng “No Swimming Policy” kung kinakailangan.
Dagdag pa ng opisina, dapat sundin ang mga itinakdang protocol at iwasan ang maling paniniwala o stigma sa ganitong mga insidente.
Samantala, paalala naman ng kanilang opisina na iwasang lumabas ng bahay kung hindi kailangan, lalo na sa matinding init.
Kung hindi maiwasang lumabas, magdala ng payong, uminom ng sapat na tubig, at pumunta agad sa ospital kung may sintomas ng heat-related illness.
Sa ngayon ay patuloy ang monitoring ng DOH at inaasahang makikipagtulungan ang LGUs para masiguro ang kaligtasan ng publiko ngayong tag-init.