Tinanggal na ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Calasiao dito sa lalawigan ng Pangasinan ang pinairal na pagkakasailalim bilang Critical Zone dahil sa COVID-19 ilang mga compound sa dalawang barangay ng nasabing bayan.
Sa inilabas na memorandum mula sa tanggapan ni Calasiao Mayor Joseph Arman Bauzon, nakasaad na ang pagklasipika bilang critical zone sa 18 Household Compound sa Purok 1, 5 Household Compound sa Purok 2, at 3 Household Compound ng Sitio Tebron ng Barangay Mancup ay tinatanggal na, kapareho rin ng hakbang sa isang compound sa Barangay Buenlag.
Ito ay matapos na magnegatibo sa ginawang pagsusuri sa COVID-19 ang mga pamilya, nakasalamuha at close contacts ng mga COVID Positive patients mula sa nabanggit na mga lugar.
Dahil naman dito, maaari nang umiral sa mga nasabing bahagi ng barangay ang mga protocols sa ilalim ng Modified General Community Quarantine o MGCQ, bagamat pinaalahahanan parin ang mga residente na maging maingat at sumunod sa mga health standards upang maiwasan ang pagkakaroong muli ng mga kaso ng COVID-19.