Nakitaan ng paglabag sa fire safety code ang ilang mga paupahang bahay o mga boarding house dito sa lungsod ng Dagupan.
Kasunod na rin ito ng isinagawang ‘surprise inspection’ ng Bureau of Fire Protection dahil na rin sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa mga kolehiyo.
Sa paglilibot ng grupo ng BFP Dagupan sa mga dormitoryo, kanilang nabisto ang buhol buhol na kable ng kuryente pati na ang kawalan ng sariling fire extinguishers.
Bukod pa dito,nakitaan din ang mga paupahang bahay ng kawalan ng smoke detector o ang aparatus na nagbibigay hudyat o alarma sa mga natutulog na estudyante na may namumuong sunod sa kinalalagyang gusali.
Paliwanag naman ng BFP Dagupan, prayoridad nila ngayon ang pag-inspeksyon sa mga paaralan at mga dormitory upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyanteng pansamantalang maninirahan dito sa pagbubukas ng klase.
Samantala, inihayag ng naturang tanggapan na kapag nakakitaan ng paglabag ang isang establisemyento ay kinakailangan na ma-clear na ang problema o magawaan ng paraan sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang kaukulang multa.