Wala pa ring kuryente sa ilang bahagi ng mga bayan ng Labrador, Lingayen, at Sual, gayundin sa lungsod ng San Carlos dahil lubog pa ang ilang mga barangay sa baha

Ayon kay Rizalinda Reyes, Manager ng Member Services Department ng Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) may mga ilang barangay at mga compound sa nasabing mga lugar ang nananatiling lubog sa baha dulot ng pananalasa ng bagyong Emong kasabay ng habagat.

Sa kabila nito, tiniyak naman niya na hindi masyadong naapektuhan ang kabuuan ng kanilang serbisyo, at ang epekto ng kalamidad ay nakapokus lamang sa western part ng lalawigan.

--Ads--

Dagdag pa niya, isinasaalang-alang nila ang kaligtasan ng bawat isa, lalo’t delikado ang operasyon ng kuryente sa mga lugar na lubog pa sa tubig.

Bukod dito sa bayan ng Lingayen, Labrador, at Sual, naapektuhan din ang mga linya ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kung kaya’t nawalan ng kuryente ang buong araw sa ilang lugar.

Gayunpaman, ani Reyes na ito lamang ang tinuturing na major damage sa kanilang operasyon.

Patuloy naman ang kanilang monitoring at pagbibigay ng update sa publiko.

At nananawagan ito ng ibayong pag-iingat sa mga residenteng nasa apektadong lugar habang hindi pa ganap na humuhupa ang baha.