Nakararanas ng pagkalugi ang ilang nag-aalaga ng bangus sa Pangasinan matapos mamatay ang malaking bilang ng mga isda dahil sa epekto ng pabago-bagong panahon at patuloy na pag-ulan. Ayon sa mga nag-aalaga, napilitan ang ilan na magsagawa ng emergency harvest upang mabawasan ang kanilang pagkalugi.
Ayon kay Julius Benagua, core member ng Samahan ng Magbabangus sa Pangasinan o SAMAPA, ilang palaisdaan ang nakapagtala ng fish kill matapos ang matinding init na sinundan ng tuloy-tuloy na pag-ulan. Aniya, madaling ma-stress ang mga isda sa biglaang pagbabago ng panahon, na maaaring makaapekto rin sa kanilang pagkain at paglaki.
Posibleng mabawasan ang suplay ng bangus sa Pangasinan pagsapit ng Setyembre hanggang Oktubre dahil sa mga namatay na isda at pagbagal ng produksyon. Sa kabila nito, wala pang naitatalang malaking pagbabago sa presyo ng bangus sa kasalukuyan. Patuloy namang mino-monitor ng SAMAPA ang galaw ng presyo at suplay sa mga pamilihan.
Nanawagan ang grupo sa pamahalaan para sa agarang tulong sa mga apektadong magbabangus, kabilang ang pamamahagi ng fingerlings upang makapagsimula muli ang mga nawalan ng alagang isda. Ayon sa SAMAPA, kailangan ng suporta ang mga pribadong may-ari ng palaisdaan at mga mangingisda upang makabangon mula sa pagkalugi dulot ng fish kill at sama ng panahon.










