Nagpahayag ng suporta ang ilang mambabatas sa Kamara de Representantes sa panukalang alisin ang kriminal na parusa sa libel at cyber libel kasunod ng pagkakaaresto sa beteranong mamamahayag na si Philip Lustre nitong Sabado.

Inihayag ni Mamamayang Liberal Representative Leila de Lima ang planong maghain ng panukalang batas upang gawing hindi na krimen ang libel.

Ayon kay De Lima, nagagamit umano ang mga batas laban sa paninirang-puri upang patahimikin ang mga kritiko, atakehin ang kalayaan ng pamamahayag at pahinain ang demokrasya.

Samantala, iginiit ni Bicol Saro Representative Terry Ridon ang pangangailangang muling pag-aralan ng Kongreso ang mga batas sa libel at cyber libel, na may layuning alisin ang kriminal na pananagutan kaugnay ng mga naturang paglabag.

Arestado si Lustre noong Sabado kaugnay ng kasong cyber libel na isinampa laban sa kanya sa Davao City.

Nakapagpiyansa na ang 72-anyos na mamamahayag.

--Ads--

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Dino de Leon, si Atty. Mans Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, ang naghain ng reklamo laban sa mamamahayag. Wala pang inilalabas na pahayag si Carpio hinggil sa usapin.

Sa ilalim ng Revised Penal Code, maaaring patawan ng multa, pagkakakulong nang hanggang apat na taon at dalawang buwan, o pareho ang sinumang mapatunayang nagkasala ng libel.

Mas mabigat naman ang parusa sa cyber libel sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012.