Dagupan City – Nagdeklara na ng suspensyon ng klase ang ilang lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa patuloy na nararanasang sama ng panahon.

Batay sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang mga suspensyon ay pansamantala at depende sa kalagayan ng panahon sa bawat lugar.

Ang pagpasok ng isang low pressure area (LPA), na binabantayan ng PAGASA, ang siyang dahilan ng nararamdamang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa, kabilang na ang Pangasinan.

--Ads--

Dahil dito, nagdeklara na ng suspensyon ng klase ang ilang LGU, kabilang na ang Dagupan City, Manaoag, Pozorrubio, Umingan, San Fabian, at Sison ngunit inaasahan na magkakaroon pa ng karagdagang anunsiyo mula sa ibang bayan anumang oras.

Ang nasabing suspensyon ay sakop ang mga pampubliko at pribadong paaralan sa lahat ng antas, habang ang iba naman ay nagsuspinde lamang mula kindergarten hanggang senior high school.

Pinaalalahanan ng PDRRMO ang publiko na maging alerto at mag-ingat dahil sa inaasahang pagpapatuloy ng masamang panahon sa mga susunod na araw kaya pinayuhan din ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak.

Patuloy naman ang pagsubaybay ng PDRRMO sa kalagayan ng panahon at maglalabas ng karagdagang anunsiyo kung kinakailangan.

Inaasahan din ang mga karagdagang babala mula sa PAGASA kaya para sa mga detalye, makipag-ugnayan sa inyong lokal na pamahalaan o sa PDRRMO at manatiling updated sa mga balita at sundin ang mga babala ng mga awtoridad.