Dagupan City – Problema ngayon sa ilang kalsada ang pagkabutas ng mga daanan dahil sa tuloy-tuloy na buhos ng ulan na siyang nagiging takaw disgrasya sa mga motorista sa bayan ng Mangaldan.
Ayon kay Engr. Joshua Serafica, isa sa mga tauhan ng Municipal Engineering Office sa bayan na sa kanilang pag-iikot ay nasa tatlong lugar ang nakitaan ng butas o bako-bakung kalsada gaya sa bahagi ng Rizal St, at Duyala St sa Barangay Poblacion at ilang mga parte ng Barangay Guiguilonen at Embarcadero.
Aniya na sakit talaga ng mga aspaltong daanan ang pagkabutas tuwing umuulan na sinabayan pa ng mga malalaking sasakyang dumadaan kaya unti-unting nasisira.
Saad nito na ang mga bahaging ito ay hindi nila hurisdiksyon ngunit gagawa sila ng reports upang makapagrequest sa DPWH National at Provincial para agad na tugunan ang suliraning ito at magrerequest na din sa General Services Office upang malagyan ng signages para hindi maging problema sa dumaraan lalo na tuwing gabi.
Ayon naman kay Engr. Geneva Calaunan ang Infrastructure Project Engineer na gumawa na ng hakbang ang LGU upang lagyan ng sand and gravel ngunit dahil parin sa ulan at medyo malalim na ang butas ay natanggal kaya gagawa na sila ng inspection report para maiparating na ang kanilang kahilingan na maisaayos ito.
Sa ngayon ay wala pa namang nangyayaring aksidente sa mga lugar na may mga butas ngunit ayaw na nilang mangyari ito kaya patuloy ang kanilang ginagawang koordinasyon sa mga kinauukulan upang mapabilis ang pagsasaayos nito para sa kapakanan ng mga motorista.