DAGUPAN CITY- Natupok ang hindi bababa sa tatlong kabahayan sa Paras Street, Barangay Bonuan Gueset, Dagupan City kanina lamang matapos sumiklab ang isang sunog sa isang bahay.
Ayon kay Noel Bumanlag, Barangay Captain ng nasabing lugar, agad silang rumesponde, kasama si Vice Mayor Bryan Kua, matapos makatanggap ng isang tawag hinggil sa insidente.
Gawa naman sa light materials ang mga kabahayan na natupok.
Dakong Alas 7:30 ng gabi nang mangyari ito at bandang Alas 8:01 nang maapula ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog.
Patuloy pang iniimbestigahan ng BFP upang matukoy ang tunay na pinagmulan ng insidente.
Ani Bumanlag, maghahatid sila ng mga tulong para sa naapektuhang pamilya kabilang na ang pansamantalang titirhan ng mga ito sa gabing ito.
Ayon Connie Paras Velasco, may- ari ng bahay na nasunog, bago mangyari ang insidente ay tila may nag-uudyok sa kaniyang lumabas ng kanilang pamamahay.
Ilan saglit lamang matapos pumunta sa pinagbilhan niya ng ice candy ay nagliliyab na ang kanilang tahanan, kabilang ang bahay ng kaniyang manugang at tyuhin.
Hinala naman niya na sanhi ng sunog ay ang octopus wiring sa kanilang extension wire.
Laking pasasalamat niya na walang naitalang nasaktan o nasawi mula sa sunog.
Gayunpaman, kabilang sa natupok ang halos P8,000 itinatago ni Velasco.
Samantala, kabilang sa mga nasabing nadamay sa sunog ay ang pinaparentang bahay ni Jimmy Paras.
Bagaman nanghihinayang, nagpapasalamat na lamang siya na wala na roon at nakauwi na ang umuupa sa kaniyang bahay.
Aniya, naroroon siya sa bahay ng kaniyang asawa ng nang mangyari ito.









