DAGUPAN CITY- Nananawagan ang ilang residente sa Gonzales Street, Brgy. Bonuan-Boquig, Dagupan City dahil nananatiling lubog sa baha ang kanilang lugar na halos hindi na humuhupa simula pa ng mga nagdaang bagyo.

Ayon kay Fatima Dela Cruz, taon-taon na nilang suliranin ang pagbaha at palaging pinapasok ng tubig ang kanilang mga tahanan.

Lumapit na sila sa opisyal ng barangay upang ipatambak ang lugar ngunit walang naging solusyon dahil walang madaluyan ang tubig.

--Ads--

Matagal na rin umano nilang nire-request ang aksyon mula sa pamahalaan, lalo na’t mas marami pang bagyo ang inaasahang darating. Sa ngayon, pasan-pasan ng mga magulang ang kanilang mga anak papasok sa eskwelahan.

Ibinahagi naman nina Marivel Santiago at Maricel Casipit ang paglubog ng kanilang bahay dulot ng pagbaha.

Bagaman nagmimistulang swimming pool na ang bahay ni Santiago ay wala pa rin silang natatanggap na relief goods, simula palang nang tumama ang bago.

Habang ang pamilyang Casipit ay napipilitan na lamang makituloy sa bahay ng kamag-anak dahil nakakaapekto na ito sa kanilang kalusugan.

Tulad ng pamilyang Casipit, labis na apektado ng alipunga ang mga apo ni Trinidad Paras habang naospital naman ang isa dahil sa leptospirosis.

Aniya, nahihirapan na rin siya dahil sa kanyang iniindang sakit at maging ang mga estudyante ay araw-araw na nagsasakripisyo upang makapasok sa eskwelahan.

Samantala, sinabi ng punong barangay na naidulog na nila sa alkalde ang problema.

May mga napag-usapan na aniya ngunit hindi agad-agad matutugunan dahil kailangan ng sapat na budget para maisagawa ang mga kinakailangang proyekto.