Dagupan City – Nananatiling lubog parin sa tubig baha ang ilang kabahayan maging ang ilang tanggapan malapit sa karagatan sa Tondalingan dahil sa naranasang Storm Surge dala ng bagyong Kristine.

Hindi nakaligtas ang PAGASA Dagupan City, Justice Hall, Mayors Pavillion at maging ang mga Cottages sa Tondalingan Beach.

Nag-iwan pa ng mga basura ang pagkakaroon ng daluyon sa bahagi dalampasigan kung saan ang ilang mga indibidwal ay namumulot ng mga basura na maari pang mapakinabangan gaya ng mga takip ng plastic bottle at iba pa.

--Ads--

Ayon kay Engr. Jose Estrada Jr. ang Chief Meteorologist ng PAGASA Dagupan na ito umano ang pinakamataas na naranasan nilang pagbaha sa kanilang tanggapan dahil nakaranas ng storm surge ngunit normal na ang ganitong pagbaha kapag nakakaranas ng moderate to heavy intense rain dahil mababa na ang lugar.

Aniya na kahapon ng gabi umano nakaranas ng pag-apaw ng tubig dito kayat itinaas na nila ang kanilang mga kagamitan na maaring maitaas gaya ng computer ngunit ang ibang mga equipment na nakafix na ay hindi na naitaas.

Dagdag nito na ang taas ng tubig sa kanila kapag nasa labas ay nasa 1meters habang sa loob ay nasa .7 meters o .8meters.
Inaasahan naman nilang bababa na ito kapag naayus nila ang drainage kanal sa kanilang lugar na dadaanan ng tubig palabas.

Samantala, ayon naman sa residenteng si Melody Rosario, pinili pa rin ng mga ito na manatili sa kanilang tahanan sa kabila ng pag-apaw ng tubig baha sa kanilang lugar.

Ito’y matapos kasi aniya ng kanilang pag-evacuate noong mga nagdaang bagyo, kung saan ay pagbalik nila sa kani-kanilang mga tahanan ay nawawala na ang ilan nilang kagamitan.
Sa kabila nito, inilagay na rin ng mga ito ang kanilang kagamitan sa ibabaw ng mga upuan at lamesa upang hindi mai-agos ng tubig-baha.

Sa kabilang banda, ibinahagi naman ni Engr. Estrada ang kalagayan ngayon ng Bagyong Kristine.

Aniya na ang bagyo ay huling namataan sa parte ng Bacnotan La Union na tumatahak sa direksyong palabas sa Philippine Area of Responsibility at inaasahang lalabas na mamayang hapon patungo sa parte ng Bansang Vietnam o China.

Dagdag nito na hindi nila inaalis na posibilidad na bumalik ito sa PAR ngunit hindi na ito tatama sa lupa depende sa paggalaw nito.
Sa kabilang banda, nakikita umanong may papasok na bagong bagyo sa weekend na tatawaging Bagyong Leon na mahihila nito ang bagyong kristine kaya babalik muli dahil sa tinatawag na “Fujiwhara Effect” ngunit malabo umanong magsama ang dalawang bagyo sa ating Bansa. (Oliver Dacumos)