Tiniyak ng ilang grupo na sila ay magsasagawa ng kilos protesta sa araw ng kauna-unahang State of The Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa darating na Lunes, Hulyo 25.
Ayon kay Fernando Hicap ang siyang Chairman ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA, na ang kanilang hanay ay makikiisa sa naturang SONA upang maipabatid sa pangulo ang tunay na pinagdadaanan aniya ng mga magsasaka at mangingisda sa Pilipinas.
Maituturing rin umanong isang karapatan ang kanilang pagpapahayag ng mga saloobin lalo na’t maraming kinakaharap na isyu ang ating bansa na dapat ay agarang matugunan ng kasalukuyang administrasyon.
Hinimok din nito ang publiko na maging mapagmatyag lalo na’t tila binabago ng pamahalaan ang naging kasaysayan ng pamilya Marcos na dapat ay mapigilan at gayundin ang pagiging alerto ng mga Pilipino sa usapin ng korupsyon.
Dagdag pa nito na umaasa silang magkakaroon ng konkretong planong ihahayag ang pangulo sa kaniyang SONA na tatalakay sa mga konkretong planong ilalatag patungkol sa isyu ng mataas na presyo ng gasolina at pagpababa sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Dapat rin ay marinig umano ang mga hakbanging gagawin nito sa isyu ng West Philippine Sea na makakaapekto sa kanilang hanay,
At maging sa lumalalang land conversion gayundn ang mga reclamation projects ng nagdaang administrasyon.
Hiling din nito na maisakatuparan ang isang panukalang batas na humihiling ng P15,000 direktang subsidy sa produksyon para sa hindi bababa sa isang milyong rehistradong mangingisda.
Dapat aniyang patunayan ng administrasyong Marcos na ito ay mayroong magagawa sa nararanasang problema sa ekonomiya at bumuo ng mga proyekto na magpapagaan sa mga epekto ng tumataginting na presyo ng mga pangunahing bilihin na nagpapalaki ng gastos sa produksyon ng pangingisda,
Ipinaliwanag din nito na dapat ay magkaroon ng programa ang kasalukuyang administrasyon sa pagpapalakas sa sariling produksyon ng bansa na siyang solusyon para sa isyu ng food security ng ating bansa.