Nagbabala si Leonardo Montemayor, chairman ng Federation of Free Farmers (FFF), hinggil sa umano’y pagkalat ng ilang grupo ng pekeng rice import allocations sa gitna ng umiiral na import ban na ipinatutupad ng Department of Agriculture (DA).

Ayon kay Montemayor, may indikasyon na may ilang sektor na nagtatangkang makapag-angkat ng bigas bago pa man ang implementasyon ng import ban, dahilan upang malaking volume ng imported rice ang makapasok sa bansa noong mga nakalipas na buwan.

Binanggit niyang kung ang karaniwang volume na pumapasok noong Agosto ay nasa 375 metric tons, ay halos katulad pa rin umano ang dami ng naipasok na imported rice pagsapit ng Setyembre, buwan na nagsimula ang import ban.

--Ads--

Kinuwestiyon ni Montemayor kung bakit pinayagan ng Bureau of Plant Industry (BPI) at Bureau of Customs (BOC) ang pagpasok ng imported rice na umano’y hindi dumaan sa wastong proseso, taliwas sa Executive Order ng Pangulo na nagsisilbing umiiral na batas.

Aniya, tila may lakas ng loob ang ilang opisyal na labagin ang malinaw na utos ng Pangulo, bagay na aniya’y dapat mabigyang-linaw sa lalong madaling panahon.

Dagdag pa nito, wala pang naipakikitang matibay na pruweba si Rep. Zaldy Co sa kanyang mga alegasyon ukol sa rice import allocations.

Dahil dito, iginiit ni Montemayor na nararapat na imbestigahan ang mga pahayag ng mambabatas upang malaman kung may katotohanan ang mga ito.

Tiniyak din niya na sapat pa ang suplay ng bigas sa ngayon, kahit pa paubos na ang mga naunang inangkat na volume.

Mayroon pa rin umanong reserves na sasapat habang nakabinbin ang pagresolba sa isyu.

Inaasahang ireresume ang pag-aangkat ng bigas sa Enero, subalit giit ni Montemayor, dapat pag-isipang mabuti kung ano ang pinakamainam na polisiya upang hindi maapektuhan ang lokal na presyo.