Dagupan City – Nagsimula nang bumalik sa kanilang mga tahanan ang ilang evacuees sa Lingayen, Pangasinan matapos ang unti-unting paghupa ng tubig-baha sa ilang lugar.
Ayon kay Councilor Jonathan Ramos ng Municipality of Lingayen, kabilang sa mga barangay na nakaranas ng pagbaha ang Pangapisan Norte, Pangapisan Sur, Manibok, Libsong East, Libsong West, Balongbong, Dumalandan, Bantayan, at Malugok.
Patuloy namang umiikot ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO upang inspeksyunin ang mga apektadong lugar at alamin kung kinakailangan nang magdeklara ng state of calamity.
Ayon kay Ramos, kadalasang unang naaapektuhan ng pagbaha ang mga komunidad na nasa mabababang lugar. Aniya, isa sa nakikitang pangmatagalang solusyon ay ang pagtatayo ng mas matibay na flood protection upang maiwasan ang pag-apaw ng tubig mula sa Agno River patungo sa mga kalapit na barangay.
Apektado rin ng baha ang ilang pananim, partikular ang mga gulay, habang may mga taniman na tuluyang nalubog sa tubig.
Samantala, sinabi ni Ramos na malaking tulong ang pagpapataas ng Capitol Ground sa Capitol Complex upang mabawasan ang epekto ng pagbaha sa lugar. Positibo rin aniya ang kanilang pananaw sa isinagawang construction project sa naturang lugar.
Patuloy naman ang monitoring ng lokal na pamahalaan habang hinihintay ang tuluyang pagbaba ng tubig-baha at pagbabalik sa normal na sitwasyon ng mga residente.










