Dagupan City – Nahandugan ng mga school supplies, at hygiene kit ang ilang piling mag-aaral sa bayan ng Malasiqui bilang bahagi ng programang ipinatutupad ng Office of the Vice President (OVP).
Layunin ng programa na suportahan ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pangunahing gamit sa eskwela at personal na kalinisan.
Kabilang sa mga ipinamigay ay mga bag, krayola, lapis, ballpen, notebook, ruler at hygiene kits gaya ng pangsipilyo.
Isinagawa ang pamamahagi sa tulong ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ng alkalde ng bayan na si Mayor Alfe Macaranas Soriano.
Pinili ang mga benepisyaryo batay sa mga pamantayang itinakda ng programa, kaugnay ng limitadong budget na nakalaan para sa proyekto.
Ang aktibidad ay bahagi ng “pagbaBAGo: A Million Learners Project”, isang pambansang inisyatiba na kasalukuyang isinasagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nakatutok ang proyekto sa pagtulong sa mga batang mag-aaral mula sa mga pamilyang higit na nangangailangan.
Sa kasalukuyan, hindi pa lahat ng mag-aaral ay nabibigyan ng ayuda mula sa programa dahil sa limitasyon ng pondo.
Inaasahan namang mapapalawig pa ito sa mga susunod na pagkakataon, depende sa magiging alokasyon ng budget.
Nagpahayag naman ng suporta ang lokal na pamahalaan ng Malasiqui at nagpaabot ng pasasalamat sa mga katuwang sa pagpapatupad ng proyekto.
Patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan upang madagdagan pa ang mga programang makatutulong sa mga residente, partikular na sa sektor ng edukasyon.