DAGUPAN CITY – Nakakaranas ngayon ng sintomas ng Covid-19 ang ilang dumalo sa lamay ng pitong taong gulang na batang babae na nasawi matapos nagpositibo sa Covid-19 sa San Fabian Pangasinan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Department of Health o DOH Region I Director Dr. Valeriano Lopez,striktong ipinapatupad sa mga ito ang home quarantine lalot mayroong nagpakita ng sintomas ng sakit.

Mahigpit nilang binabantayan din ngayon ang pamilya ng bata lalo’t sila ang direktang nalantad sa biktima.

--Ads--

Nabatid na ang biktima ay isang 7 taong gulang na batang babae, residente ng Brgy. Inmalog Sur., na siyang lumabas na pinaka batang naitalang nasawi bunsod ng naturang virus sa lalawigan.

March 22 , araw ng Linggo nang isinugod pa sa La Union Medical Center ang pasyente ngunit pagsapit ng March 26, agad ring binawian ng buhay.

Hindi kaagad nalaman ng kaanak ng biktima na ito’y positibo sa Covid-19 kaya nagawa pa nila itong lamayan ng ilang araw.

Nabatid na nakasalamuha ng bata ang dalawang kaanak nito mula sa Nueva Vizcaya at Maynila kung saan isa sa mga ito ang dumalo ng lamay ng isang covid positive victim sa kanilang lugar bago umuwi ng Pangasinan.