Nais ng isa sa napiling 12 finalist ng ikatlong Bombo Music Festival (BMF) 2020, na magbigay ng inspirasyon sa buhay pag-ibig hanggang mauwi sa kasalan.

Ito ang nabatid sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan kay Dave Alvarado, 24 anyos composer ng kantang ‘Vows’.

Aniya naisipan nito at ng kaniyang co-composer na sa halip na hugot sa pag-ibig ay inspirasyon ang kanilang gawing awitin upang maipagpatuloy hanggang sa pag-iisang dibdib.

--Ads--

Nabatid na silang dalawa din ang kakanta ng kanilang komposisyon sa pamamagitan ng duet.

Napag-alaman pa mula kay Alvarado na matagal na itong gumagawa ng awitin subalit ngayon lamang aniya ito nagconcentrate at sumali sa isang contest.

Labis naman ang pasalamat nito dahil napakalaking karangalan aniya ang hatid ng pagkakapili nila bilang finalist sa BMF lalo at ito ang unang Zamboangeño na napili.

Samantala, masaya at looking forward na sa Grand Finals night ng Bombo Music Festival (BMF) 2020 ang composer ng awiting ‘Sabi ko naman sayo’.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan kay Glen Bawa ng San Pablo City, Laguna, labis ang kasiyahan nito nang matawagan siya upang kumpirmahin ang kaniyang pagkakapili bilang finalist .

Nabatid na si Bawa ay noong taong 2012 pa sumasama sa mga kahalintulad na uri ng contest subalit ngayon lamang aniya itong sinuwerte na mapili bilang finalist sa Bombo Radyo.

Inihayag naman nito na ang hindi nabasang wedding vow para sa kaniyang misis ang inspirasyon o pinagmulan ng kaniyang komposisyon.