DAGUPAN CITY- Minabuti na lamang ng ilang mga residente sa bayan ng Lingayen na bumisita sa sementeryo ng gabi upang makaiwas sa siksikan dulot ng pagdagsa ng mga tao at init ng panahon.

Kabilang na sa mga ito ay sina Mae Ramirez at Stephanie Bajo na binisita ang kanilang yumaong mahal sa buhay sa Lingayen Public Cemetery.

Ayon kay Ramirez, maliban sa siksikan, mainam na rin ito upang maiwasan ang init ng panahon at ang hindi inaasahang pagbuhos ng ulan.

--Ads--

Maliban din kase sa naturang sementeryo kung saan ay kanilang binista ang yumaong malapit na kaibigan, dadako rin sila sa Lingayen Heritage Park para naman bisitahin ang sumakabilang buhay na kaanak.

Aniya, taon-taon na nila ito ginagawa upang magbigay ng pag-alala sa mga ito.

Ibinahagi naman ni Bajo na nakasanayan na nilang ginagawa ang pagbisita ng gabi o oras ng takipsilim.

At para sa kaniya, ang pagbisita sa namayapang mahal sa buhay ay pag-alala sa mga pinagsamahan noong nabubuhay pa ang mga ito.

Samantala, naging pahirapan sa ilang mga bisita ang paglusong sa kanilang dadaraanan dulot ng tubig baha.

Ang ilan sa mga ito ay ipinasok na lamang ang kanilang motor upang makapunta sa puntod ng kanilang bibisitahin.