Patuloy na binabantayan ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang epekto ng malalakas na pag-ulan dulot ng bagyo. May ilang barangay na nakaranas ng pagtaas ng tubig, kabilang ang Pangapisan North partikular sa Sitio Aplaya, Libsong East, ilang bahagi ng Poblacion at Libsong West. Bahagya ring umapaw ang tubig sa ilang barangay sa southern at western area ng bayan, ngunit mabilis din itong humupa.
Ayon kay Vice Mayor Jay Mark Kevin Crisostomo, wala pang naitatalang sapilitang paglikas ng mga residente sa kabila ng pagbaha sa ilang lugar. Patuloy ding minomonitor ang Agno River dahil sa mabilis na agos ng tubig, bagama’t hindi pa ito umaabot sa critical level. Pang-apat na araw na ring nagsasagawa ng pag-iikot at pagbabantay ang tanggapan ng bise alkalde upang matiyak ang kalagayan ng mga komunidad.
Nakahanda naman ang mga evacuation center sakaling kailanganin ang paglikas ng mga residente. May umiiral ding kasunduan ang lokal na pamahalaan at Department of Education upang magamit ang mga paaralan bilang pansamantalang evacuation center kung kinakailangan. Samantala, humingi na rin ng tulong ang lokal na pamahalaan sa Department of Public Works and Highways upang mapabilis ang dredging sa mga daluyan ng tubig na natabunan ng buhangin.
Patuloy namang pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at sundin ang mga abiso ng mga awtoridad habang nananatili ang banta ng masamang panahon. Pinaiiwas din ang mga residente, lalo na ang mga kabataan, na pumunta sa dagat at iba pang mapanganib na lugar habang nakararanas ng masamang panahon.










