DAGUPAN CITY- Umabot na sa hindi bababa sa 480 na mga pamilya o hindi bababa sa 1,650 na indibidwal ang lumikas sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Freddie Evangelista, Information Officer II ng Office of Civil Defense (OCD) Region 1, ipinatupad na ang Memorandum no.218 o ang mandatory evacuations sa mga risk areas sa rehiyon uno dahil sa bantang storm surge dulot ng Bagyong Pepito.
Aniya, kabilang sa mga lugar na nakapagtala na ng pre-emptive evacuations ang syudad ng Alaminos, bayan ng Anda, Bani, Sual, Rosales, at Bugallon.
Batay pa sa kanilang monitoring, maaari pang madagdagan ang bilang ng mga lumikas sa evacuation areas.
Saad pa niya, sa patuloy na nararanasang malakas na alon ay maaaring umabot sa 3-4 meters ang pagtaas nito kaya mahigpit ang pag-abiso sa mga coastal areas ang paglikas.
Samantala, inaabisuhan din ni Evangelista ang mga mangingisda na huwag nang pumalaot pa. Gayundin, sa mahigpit na pagbabantay ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) sa mga coastal areas upang matiyak ang buong kaligtasan ng mga residente.
Dagdag pa niya, manatiling alerto sa anumang epekto ng bagyo at makinig sa mga balita. Sundin naman ang mga abiso mula sa local government units upang maiwasan ang kapahamakan.