DAGUPAN CITY- Humupa na ang tubig-baha sa Brgy. Poblacion Oeste, Dagupan City matapos ang magkakasunod na bagyong tumama sa lungsod.
Sa kabila ng lawak ng pinsala, walang residenteng kinailangang lumikas.
Ayon sa Barangay Chairman Macmac Gutierrez, balik sa normal ang galaw ng komunidad maliban sa tatlong lugar na bahagyang lubog pa rin sa baha.
Gayunman, nadaraanan na ang mga kalsadang ito at hindi na nagdudulot ng abala sa mga residente.
Malaking kaibahan ito kumpara noong Hulyo kung kailan nasa 150 pamilya ang inilikas mula sa nasabing barangay.
Patuloy ang pagbabantay ng barangay sa kondisyon ng mga natitirang lubog na bahagi, habang inihahanda na ang malawakang clean-up drive upang mapigil ang posibleng pagkalat ng sakit gaya ng dengue na karaniwang nakukuha mula sa mga nakatenggang tubig.
Namahagi rin ang lokal na pamahalaan ng gamot gaya ng doxycycline bilang panangga laban sa leptospirosis dahil ito ang sakit na karaniwang tumataas tuwing tag-ulan.
Patuloy naman ang paalala ng barangay sa mga residente na manatiling naka-antabay sa mga impormasyon para mapaghandaan ang ano mang banta ng sama ng panahon.