DAGUPAN CITY- Walang gaanong gagawin na pagsasaayos sa mga paaralan sa syudad ng Urdaneta matapos ang ilang araw na suspensyon dulot ng mga bagyo dahil sa pagpapatupad ng alternative learning.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Aguedo Fernandez, Schools Division Superintendent, School Division Office Urdaneta City, umabot man sa kabuoang 10 araw ang suspensyon ng mga klase ay tanging in-person o face-to-face classes lamang ang suspendido.
At sa tuwing nagkakaroon ng ganitong pagkakataon ay awtomatiko silang nagpapatupad ng modular distance learning.
Aniya, tanging hahabulin lamang nila ay ang 3-days training ng mga guro na kung saan binabalak nilang isagawa kapag nagbalik na sa normal ang pasok.
Ang mga aktibidad naman ng mga paaralan ay isasagawa na lang din tuwing sabado at linggo o sa araw ng holiday.
Sa katunayan, nagawa na nila ito sa mga nakaraang aktibidad simula nang maibaba ang kautusan.
Tiniyak naman ni Fernandez na ipapaalam nila sa mga mag-aaral at mga magulang ang mga isasagawang pagsasaayos.
Samantala, nagkaroon naman ng pagbabaha sa ilang paaralan sa kanilang syudad subalit hindi ito umaabot sa loob ng mga silid-aralan.
At sa nakaraang pagdaan ng Bagyong ‘Pepito’ ay dalawang paaralan lamang ang nakapagtala ng maliit na pinsala.