Dagupan City – Nananatili parin sa evacuation center ang ilang pamilya na naapektuhan sa pagbaha sa bayan ng Calasiao dahil sa naranasang bagyong Nando.

Umabot sa 15,055 pamilya, katumbas ng 56,995 indibidwal, mula sa 21 barangay ang apektado at nananatiling lubog sa baha.

Karamihan sa mga lumikas ay nasa Calasiao Sports Complex habang ang iba ay sa mga itinalagang evacuation center sa kanilang barangay.

--Ads--

Ayon kay Cecile Maizanon ng Barangay Talibaew, lumikas sila dahil sa mataas na tubig-baha na halos lagpas-tao.

Aniya, inaalala niya ang kaligtasan ng kanyang mga anak sapagkat mataas naman ang kanilang bahay kaya kahit hindi na sila lumikas pero ginawa niya ito upang hindi mapahamak ang kanyang mga anak dahil may pagkakataon na nalunod na ang isang anak nito habang kalaro nito ang kanyang kapatid.

Dumating sila sa evacuation center kahapon at nakatatanggap naman ng tulong gaya ng pagkain.

Dagdag pa niya, walang nagkakasakit sa kanyang pamilya bukod siya dahil nabinat umano siya dahil sa masamang pakiramdam sa kasagsagan ng bagyo.

Ipinahayag din niya ang pag-aalala sa mga kapitbahay na hindi lumikas at maaaring walang makain.

Samantala, emosyonal na ibinahagi ni Lorna De Jesus mula sa Barangay Nalsian na natangay ng baha ang kanyang mga ari-arian, kabilang ang mga appliances at iba pang kagamitan.

Dahil sa lakas ng agos, wala silang nagawa kundi ang umiyak habang tinatangay ang kanilang mga gamit.

Samantala , nananatiling mataas ang mga tubig baha sa ilang kalsada sa bayan kaya pinapayuhan na humanap na lamang muna ng mga alternatibong ruta kung kinakailangan upang hindi malubog ang mga sasakyan o tumirik sa gitna ng tubig baha.