BOMBO DAGUPAN- Naging maayos na kalihim ng edukasyon si Vice President Sara Duterte, wala lamang umanong lakas ng loob ipaabot ng mga tao ang kanilang hinanaig.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ernesto Alcanzare, consultant ng DepEd National Employees union, hindi naman naitataas ang mga concern ng mga nasa field dahil umano sa takot nilang ipaalam ito sa kinauukulan.
Subalit, aniya, nakitaan naman ng patas na pag-aksyon ang grupo nina Duterte sa oras na napaabot ito sa kanila.
Kaya nabigla umano sila sa pagbitiw nito dahil umaasa silang magtuloy-tuloy ang programa ni VP Sara para sa edukasyon.
Sinabi naman ni Alcanze, dapat ipagpatuloy ang matatag curriculum dahil sa pokus nito sa ‘peace education’. Sa pamamaraang ito, malalabanan pa umano ang kultura ng karahasan sa bansa na siyang tinutulak din ng United Nations.
Pagdating naman aniya sa infrastructure program, lumalaki na ang inilalaang budget ng kongreso sa pagpapatayo ng mga silid aralan dulot na din sa dumadaming bilang ng estudyante.
Samantala, hindi dapat politiko ang papalit bilang kalihim ng Department of Education upang hindi umano mabahiran ng politika ang pamamalakad sa edukasyon ng bansa.
Dapat aniya ay nasa edukasyon ang puso ng bagong papalit na kalihim ng Department of Education.
Kinakailangan umano ang namamayagpag na pagmamalasakit nito sa mga mag-aaral at maging sa kalagayan ng mga guro.
Higit na makakatulong din ang may mataas na creative thinking dahil nagiging balakid sa edukasyon ang napipigilang creative thinking skills ng mga guro sa tuwing hindi ito naipapakita ng namamahala.