Ikatlong pagdinig para sa supplemental budget ng Dagupan City, napuno ng tensyon

43

DAGUPAN CITY — Naging mainit at matindi ang tensyon sa pagitan ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez at ng panig ng Majority 7 Councilors sa ginanap na regular session ng Sangguniang Panlungsod.

Sa gitna ng mensahe ni Mayor Fernandez sa harap ng iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan ng lungsod, tila nagkaroon ng hindi kaaya-ayang aksyon ang mga miyembro ng nabanggit na grupo nang magsalita na ang alkalde kaugnay sa pagapruba sa nakabinbin na supplemental budget at mga proyekto ng lungsod na nakapaloob dito.

Gaya ng mga nakalipas na pagdinig, hindi pa rin nagbunga ng magandang resulta ang nangyaring sesyon at nananatiling walang nakikitang katuparan para sa pagpapasa sa nasabing pondo at ng iba’t ibang programa na nakatuon sa kapakinabangan ng mga Dagupeño.

--Ads--

Kabilang na nga sa mga proyektong ito ang pagkuha ng mga kagamitang pangkalamidad, rescue vehicles, anti-flood mitigation projects sa bawat barangay, pagsasaayos ng government facilities, pag-solusyon sa problema sa basura sa lungsod, at marami pang iba.

Kung matatandaan, noong pang 2022 nag-ugat ang hindi pagapruba ng Majority 7 Councilors sa mga programa at proyekto ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Dagupan.

Ito ay sa kabila ani Mayor Fernandez na pagdeklara sa mga ito bilang urgent.

Hindi rin naman nito nakapagpigil na ibuhos ang kanyang saloobin sa naganap na pagdinig kasabay ng muling pagdiin ng pangangailangan ng lungsod sa kagyat na pagapruba sa mga proyekto ng kanilang lokal na pamahalaan.

Kaugnay nito, iginiit naman ng isa sa Majority 7 Councilors na si Councilor Red Erfe Mejia na mayroong legislative ordinance partikular na aniya sa garbage collectors at segregators.

Sa kanyang kasagutan sa pahayag ni Mayor Belen Fernandez, sinabi nito na naka-limang sulat na umano sila sa 31 mga barangay na kanilang nasasakupan, ngunit mangilan-ngilan pa lamang ang nagbibigay ng mga pangalan ng kani-kanilang garbage collectors at segregators, at gayon na rin ang bilang ng mga kabahayan sa isang barangay.

Saad nito na napakaganda umano ng nasabing ordinansa kung saan ay mamimigay sila ng karagdagang P2,000 sa mga garbage collector at segregator ng bawat barangay dahil batid nila kung gaano kahirap ang trabaho ng mga ito.

Dagdag pa nito na trabaho ng lokal na pamahalaan ang magbigay ng honorarium sa mga garbage collector at segregator, ngunit hindi naman aniya nakikitaan ng pag-sangayon ang management ng mga barangay.