DAGUPAN CITY — Inihayag ni Prof. Mark Anthony Baliton, Political Analyst, na mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga impormasyon na ibinabahagi ni Pangulogn Ferdnand Marcos, Jr. sa taumbayan sapagkat dito nakikita kung siya nga ba ay isang epektibong presidente ng bansa.

Sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na ang ikalawang State of the Nation Address ng Punong Ehekutibo ay walang malaking deperensya, subalit malaki ang pagkakahalintulad ng kanyang Ulat sa Bayan sa mga nakaraang SONA ng mga nagdaang Pangulo ng Pilipinas.

--Ads--

Aniya na ang mga ipinahayag ng Pangulo ay magkakaroon ng malaking impact sa sambayanang Pilipino, lalo na ang kanyang pokus ay sa agrikultura na kinakailangan ng bansa at gayon na rin ang pagtugon sa mga kriminalidad, partikular na ang mga lumalaganap na sindikato sa lipunan.

Gayunpaman, isang malaking suliranin ang hindi pagtalakay nito sa mga konkretong plano ng pamahalaan patungkol sa mga usapin sa hanay ng transportasyon, partikular na kung papaano maisasakatuparan ang mga layunin nito, kung anu-ano ang mga ahensya na mangangasiwa at mga focal persons na tatayo sa pagabot ng mas matatag na ekonomiya, agricultural, at political stability.

Saad pa ni Baliton na hindi nito masasabing “sound improving” ang State of the Nation Address ni Pangulong Marcos, subalit ang mas mahalaga naman ay maisasakatuparan ng Punong Ehekutibo ang mga usaping inilatag nito sa kanyang Ulat sa Bayan upang magkaroon ng epekto ito sa mga Pilipino.

Dagdag naman ni Baliton na pagdating sa usapin sa West Philippine Sea ay maganda naman ang naging pagbuhay ng Pilipinas sa relasyon nito sa Estados Unidos na isang pruweba na pagnanais nitong protektahan ang teritorya ng bansa.

Subalit hindi naman ito nabanggit ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address na isang bagay sana na magbibigay ng isang malakas na impact sa buong bansa. Aniya na mayroon namang suporta ang Pilipinas mula sa Estados Unidos kaya naman ay nararapat lamang na maipagpatuloy ito ng pamahalaan upang lalo pang maprotektahan at maireserba ang sovereignty ng bansa sa West Philippine Sea.

Sa nagyon kasi aniya ay nananatiling maraming mangingisdang mga Pilipino ang hindi makapaglayag ng malaya dahil sa pang-aabuso ng China.

Maliban pa dito ay inihayag pa ni Baliton na kailangang matutukan ng administrasyon ni Pangulong Marcos, Jr. ang kalagayan ng inflation sa bansa.

Aniya na sa pagsalubong ng matataas na presyo ng bilihin sa Punong Ehekutibo ay nakapagbigay lamang ito ng shortterm solution sa mga suliraning ito sa pamamagitan ng importasyon at pagtatatag ng mga Kadiwa Center na nagkukulang naman at hindi nakakarating sa maraming grassroots sa bansa.

Saad nito na mainam kung pagtutuunan nito ng pansin ang mga Kadiwa Center upang mas lalo pang mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Umaasa naman ito na matatalakay ng Punong Ehekutibo ang usapin sa pagiging middle-income country ay mapaguusapan at maaaksyunan ng kanyang administrasyon sa mga susunod na taon ng panunungkulan nito.