Dagupan City – Mas naging tensyonado ang naging ikaapat na kilos-protesta sa Los Angeles California matapos magpadala ng National Guard ang pamahalaan ng Amerika sa nasabing estado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Des Baker, Bombo International News Correspondent sa Amerika nagsimula ang kilos-protesta tatlong araw na ang nakalilipas at lumalawak ito habang dumarami ang nadadamay na pamilya ng mga undocumented immigrants, partikular na ang mga may kaso ng overstaying.
Kasama rin sa mga nagpoprotesta ang mga unyon ng manggagawa at iba’t ibang samahan na tutol sa marahas umanong pag-aresto.
Dahil sa mga insidente ng pananakit sa kapulisan, pambabato ng bato sa mga gusali, at paninira ng ilang sasakyan, ipinag-utos ni US President Donald Trump ang pagpapadala ng National Guard upang protektahan umano ang mga establishementong nadadamay sa kaguluhan.
Gayunman, agad itong kinondena ng pamahalaang California at kinumpirma na magsasampa sila ng kaso laban sa administrasyon dahil ginawa ang hakbang na ito kahit walang deklarasyon ng state of emergency, na malinaw na kondisyon na nagbabawal sa paggamit ng pwersang militar sa lokal na pagpapatupad ng batas nang walang pahintulot ng estado.
Ayon sa datos ng Immigration and Customs Enforcement (ICE), higit sa 100,000 katao na ang naaresto mula nang muling maupo si Trump bilang presidente noong Enero 2025, sa ilalim ng kanyang kampanyang kontra sa ilegal na imigrasyon at tinatawag niyang “left-wing lawlessness.”
Sa kabila ng marahas na insidente, nagpaalala si Baker sa publiko na mas maganda kung pananatilihin ang kapayapaan sa mga kilos-protesta.