Nasunog ang isang malaking pabrika ng kandila sa bayan ng Manaoag, Pangasinan, kung saan itinaas sa ikaapat na alarma ang sunog dahil sa tindi ng apoy.

Mahigit sampung fire station mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ang nagtulungan upang maapula ang sunog. Kabilang sa mga rumesponde ang mga fire station mula sa Basista, Mapandan, Pozorrubio, San Jacinto, Binalonan, Dagupan City, Calasiao, San Carlos City, Urdaneta City, at iba pang karatig-lugar.

Dahil sa matinding apoy na pinalala ng wax na ginagamit sa paggawa ng kandila, gumamit ang mga bombero ng Aqueous Film-Forming Foam (AFFF), isang espesyal na firefighting foam na bumubuo ng manipis na sapin sa ibabaw ng nasusunog na materyales upang mapigilan ang pagkalat ng apoy at mapabilis ang pag-apula nito.

--Ads--

Gumamit din ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Manaoag ng lifter o boom truck upang mailapit ang mga bombero sa itaas na bahagi ng nasusunog na establisimyento at mas mapabilis ang pag-apula ng apoy.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng pinsala. Wala pang inilalabas na opisyal na ulat kaugnay ng posibleng nasawi o nasugatan sa insidente.